Opisyal nang inanunsyo ng Miss Grand International (MGI) Organization ang pagbubukas ng aplikasyon nito para sa ikalawang season ng MGI All Stars, ang global pageant na tampok ang mga dating kalahok ng iba’t ibang international beauty competitions.
Ayon sa MGI, magsisimula ang aplikasyon sa Sabado, Hunyo 6, 2026, 8:00 p.m. (GMT+7), at layunin ng kompetisyon na muling bigyan ng pagkakataon ang mga seasoned pageant veterans mula sa iba’t ibang bansa.
Ang MGI All Stars ay bukas sa mga kababaihan na may edad 20 hanggang 40, kahit may asawa o anak, kabilang din ang mga transgender women, basta’t nakasali na sa mga international pageant.
Sa unang edisyon ng kompetisyon, kinoronahan si Vanessa Pulgarin ng Colombia, isang dating semifinalist ng Miss Universe, bilang grand winner sa finals na ginanap sa MGI Hall sa Bangkok noong Mayo 30.
1st runner-up si Faith Maria Porter ng Ghana, habang 2nd runner-up si Nguyen Huong Giang ng Vietnam, na dating Miss International Queen winner at naging Miss Universe participant.
Umabot sa 56 kandidata mula sa 38 bansa ang lumahok sa unang season, kabilang ang mga galing sa Miss Universe, Miss World, Miss International, Miss Earth, Miss Supranational, at Miss Grand International.
Mula sa Pilipinas, lima ang sumali, kabilang si Gazini Ganados, dating Miss Universe Top 20 semifinalist, na nakapasok sa Top 5.
Ayon sa MGI, muling bubuksan ang entablado para sa mga “stars” na handang bumalik sa kompetisyon. “A new chapter is about to begin… are you ready to shine among the stars once again?” pahayag ng organisasyon.
Ang nanalong si Pulgarin ay nakatanggap ng $100,000 at may pagkakataong ipagtanggol ang kanyang korona sa susunod na season, na maaaring magdala ng kabuuang premyong hanggang $1 million kung mananalo ng tatlong magkakasunod na edisyon.
Samantala, sinabi ni Miss Grand International President Nawat Itsaragrisil na target niyang isagawa ang susunod na edisyon sa Disyembre, bagaman wala pang pinal na detalye ang nailalabas.
















