-- Advertisements --

Pinahanga ng mga Filipina candidates ang audience sa preliminary evening gown competition ng Miss Grand International All Stars na ginanap nitong Miyerkules sa Bangkok.

Live na binigyan ng puntos ng walong hurado ang bawat kandidata habang rumarampa sa entablado, kung saan real-time ding ipinakita sa screen ang kanilang individual at average scores.

Nanguna sa mga Filipina candidates si Gazini Ganados na may average score na 9.39. Umabot sa 9.9 ang kanyang pinakamataas na score habang 9 naman ang pinakamababa. Kapansin-pansin ang kanyang emerald green na fitted gown na tinernuhan ng bright pink shawl.

Pumangalawa si Imelda Schweighart na nagtala ng average score na 8.65. Nakakuha siya ng pinakamataas na score na 10 at pinakamababang 7.5 habang rumarampa suot ang simpleng ngunit seksing black gown na may sheer outlines.

Sumunod naman si Fuschia Anne Ravena na may average score na 8.26. Nakakuha siya ng highest score na 9.9 at lowest na 6. Suot niya ang off-shoulder beige gown na may plunging neckline at hanging beads.

Samantala, nagtala si Keylyn Trajano ng average score na 7.61. Ang kanyang pinakamataas na score ay 9 habang 4 naman ang pinakamababa. Rumampa siya suot ang blue gown na may transparent stripes at sheer details.

May average score naman na 6.91 si Alexia Nuñez. Nakakuha siya ng highest score na 8.2 at lowest na 5 habang suot ang gold sequined gown na may sheer cape.

Ang Miss Grand International All Stars ay bukas para sa mga kababaihan at trans women edad 20 hanggang 40 na dati nang sumali sa international pageants.

Gaganapin ang coronation night sa Mayo 30 sa Bangkok, Thailand.