-- Advertisements --

Target ngayon ng Bureau of Corrections na magtayo ng 13 regional facilities para sa mga indibidwal na mapapatunayang guilty sa kasong heinous crimes.

Ayon kay Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang hakbang na ito ay naglalayong gawing patas at effective ang correctional system sa bansa.

Aniya, kinakailangan na gumawa ng ganitong mga proactive measures para mapunan ang kakulangan sa kasalukuyang sistema.

Ipinunto pa nito ang umiiral na batas partikular na ang Bureau of Corrections Act of 2013 kung saan inoobliga ang pagtatayo ng regional facilities at Separate Facility for Heinous Crimes Act na nagmamandato sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa heinous crimes.

Batay sa datos, aabot lamang sa limang pasilidad ang nag-ooperate mula sa 19 regions sa buong bansa .

Kinabibilangan ito ng National Capital Region, Mimaropa, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Davao Region.

Target na itayo ang regional facilities sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Negros Island Region, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at sa Bangsamoro Region.