-- Advertisements --

Ililipat sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ang mga mahahatulang sangkot sa mga kasong may kinalaman sa flood control projects.

Ito ang kinumpirma ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang. Aniya, hindi pagbibigyan ang anumang kahilingan na makulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa dahil isinasailalim na ito sa decongestion program o pagpapaluwag ng bilang ng mga bilanggo.

Binigyang-diin din ni Catapang na walang magiging espesyal na pagtrato sa mga makukulong sa tinatawag na “supermax” facility sa Sablayan.

Dagdag pa niya, nakabili na ang BuCor ng 60 ektaryang lupa sa Palayan City, Nueva Ecija para sa planong unified penology and correction system bilang bahagi ng patuloy na decongestion program ng ahensya.