Nasungkit ni Karl Eldrew Yulo ang kanyang unang gold medal sa seniors level matapos manguna sa floor exercise ng FIG Artistic Gymnastics World Cup Series sa Antalya, Turkey noong Sabado.
Namayagpag ang 18-anyos na gymnast matapos makakuha ng 14.100 puntos sa final round, kung saan nakakuha siya ng 5.3 sa difficulty at 8.8 sa execution.
Pumangalawa si Eamon Montgomery ng Ireland na may 13.833 puntos para sa silver medal, habang nakuha naman ni Rayderley Zapata ng Spain ang bronze matapos makapagtala ng 13.333 puntos.
Si Karl Eldrew ay nakababatang kapatid ng two-time Olympic champion na si Carlos Yulo. Nagtapos siya sa ikaapat na puwesto sa qualification round bago nagpakita ng mas malakas na performance sa final.
Nauna na ring nagpakita ng magandang performance si Yulo sa World Cup leg sa Baku, Azerbaijan, kung saan nakapasok din siya sa finals ng floor exercise at horizontal bar.














