Plano ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila De Lima na maghain ng resolusyon sa Kamara de Representantes upang hikayatin ang Philippine Government na manindigan laban sa mga abusadong pahayag ng Chinese Foreign Ministry at Chinese Embassy dito sa Manila.
Kabilang dito ang pagsagot ng embahada ng China sa inilalabas na pahayag ng ilang senador tulad ni Sen. Francis Pangilinan, National Maritime Council, Philippine Coast Guard, atbpa, ukol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay De Lima, hihikayatin niya ang mga miyembro ng WPS bloc sa Mababang Kapulungan at ang mga miyembro ng Liberal party upang suportahan ang naturang panukala.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa naturang mambabatas, iginiit niyang hindi katanggap-tanggap ang inaasal ng embahada ng China, at hindi ito akma sa dapat ay ikinikilos ng isang diplomatic mission.
Malinaw aniyang ang mga kontrobersyal na pahayag ng embahada ay paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations at kailangang mapangaralan ang embahada sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs.
Tinukoy din ni De Lima na ‘abnormal’ ang mga aksyon at pahayag ng embahada, lalo na ang paninira at pag-atake sa mga opisyal ng bansa.
Ayon kay De Lima, hindi ito aksyon ng isang normal na diplomatic mission at sa halip ay idinadaan sana sa maayos at lehitimong diplomatic channel kung mayroon mang pagpuna sa bansa kung saan ito nakabase at nagsisilbing official connection ng bansang kaniyang kinakatawan.
















