-- Advertisements --

Naniniwala si Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila De Lima na mataas ang tyansa ng anti-political dynasty bill na maipasa sa kasalukuyang Kongreso, kasabay ng nagpapatuloy na konsultasyon na isinasagawa ng Kamara de Representantes sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ngayong araw ay nasa Cebu ang ilang mambabatas para sa panibagong konsultasyon.

Ayon kay De lima, naging mainit ang pagtanggap ng publiko sa bagong panukala, matapos ang mga naunang konsultasyon tulad ng isinagawa sa Cavite.

Maliban pa ito aniya sa sariling konsultasyon na ginagawa ng Senado para sa kaparehong bill.

Nais ng mga mambabatas aniya na malaman ang opinyon ng publiko, at ang kanilang saloobin para sa tuluyang pagkakapasa ng panukalang batas na bagaman bago sa pandinig ay matagal nang dapat naipasa sa bansa.

Maging sa mga iniimbitahan ng Kamara na resource speaker para magsalita ukol sa nangyayaring political dynasty sa Pilipinas ay pabor din na maipagbawal na ang naturang sistema, sa pamamagitan ng isang legislation.

Umapela rin ang mambabatas sa publiko na suportahan ang panukalang batas dahil sa potensiyal nitong makapagpaunlad sa bansa.

Aniya, kailangan na ng Pilipinas na magkaroon ng matibay na batas na magbabawal sa paghahari ng mga pamilya na matagal at kadalasang nangyayari sa bansa.