-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon pang apat na Pilipino ang umano’y nakipaglaban para sa Russia ang kasalukuyang nasa kustodiya ng Ukraine bilang prisoners of war.

Ayon sa ahensya lima na ang kasong hawak ng DFA kaugnay sa mga Pinoy na sinasabing naging mercenary sa gitna ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Gayunman, tumanggi ang ahensya na magbigay ng karagdagang detalye ukol sa mga ito.

Ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona, kumpirmado ang pagkakabihag ni Raymon Gumangan sa Ukraine.

Dagdag pa niya, nakausap na ng DFA ang pamilya ng nasawing Pilipino ngunit hindi maaaring ibahagi ang detalye alinsunod sa kahilingan ng pamilya.

Sinabi rin ni Escalona na nakatatanggap ang DFA ng iba’t ibang impormasyon kung paano na-recruit ang mga Pilipino upang lumahok sa labanan.

Muling iginiit ng DFA na may umiiral na deployment ban sa Ukraine, habang wala namang ganitong pagbabawal sa Russia. Gayunman, hinikayat ang publiko na maging maingat lalo na sa mga alok na trabaho na nakikita online.

Si Gumangan ay umanong nakahanap ng online job offer na nangakong nay mataas na sahod sa Russia bilang logistics personnel, ngunit nang dumating doon, siya ay pinirmahan ng kontrata sa Ministry of Defense ng Russian Federation at itinakda sa isang combat role bilang bahagi ng 51st Parachute Regiment.

Nauna rito, hiniling ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na tulungan si Gumangan na makalaya mula sa pagkakabihag.

Gayunman, ipinaliwanag ng DFA na komplikado ang sitwasyon dahil hindi kabilang ang Pilipinas sa mga bansang sangkot sa kaguluhan.

Ipinaalam na rin umano ng DFA sa pamahalaan ng Ukraine at Russia ang sitwasyon ni Gumangan.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin si Tulfo kay Yuliia Fediv upang matalakay ang kaso. Nangako umano ang envoy na tutulong upang maiparating sa kanilang pamahalaan ang kahilingan ng Pilipinas at ng pamilya ni Gumangan.