Tahasang binalaan ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang pamahalaan na posibleng maging isang malaking bitag ang muling isinusulong na joint oil and gas explorations sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Carpio ang pahayag kasabay ng kanyang pagbisita sa Pag-asa Island.
Ayon sa dating mahistrado, ang pagpasok sa nasabing kasunduan ay nangangahulugan ng pag-ako sa kondisyon ng Beijing na sila ang nagmamay-ari ng mga likas na yaman sa pinag-aagawang teritoryo.
Ang babalang ito ay lumutang kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na bukas siyang muling simulan ang negosasyon sa Beijing para sa isang joint energy project upang matiyak ang energy security ng bansa sa gitna ng nagaganap na tensyon sa Middle East.
Sa panig ng Department of Foreign Affairs (DFA), nilinaw ni Secretary Maria Theresa Lazaro na wala pang pormal na kasunduan sa ngayon ngunit bukas ang pamahalaan sa posibilidad na ito.
Kinumpirma rin ni Foreign Affairs Undersecretary for Policy Leo M. Herrera-Lim na nasa exploratory stage pa lamang ang pag-uusap sa ilalim ng 11th Bilateral Consultation Mechanism (BCM) sa Fujian, China.
Sa kabilang banda, inihayag ng Chinese Embassy sa Maynila na mayroong positive progress at in-depth discussions ang dalawang bansa hinggil dito.
Nananatiling sensitibo ang usapin ng joint energy exploration dahil sa isyu ng soberanya.
Matatandaan na noong 2016, ibinasura ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang pag-angkin na ito ng Beijing dahil wala umano itong legal basis, isang makasaysayang desisyon na hindi kinikilala ng China hanggang sa kasalukuyan.
















