-- Advertisements --

Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Biyernes na handa siyang suportahan ang anumang plano na baguhin ang 1987 Constitution, kung kinakailangan, matapos ipatupad ng Supreme Court (SC) ang kanilang desisyon na idineklarang unconstitutional ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Sotto, dapat magkaroon ng masusing pagpupulong ang mga liderato ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga susunod na linggo upang talakayin ang isyu.

“Para nilang binago ‘yung mode ng pag-iimpeach. Mas mahirap, mas humirap na ngayon,” ani Sotto.

Ipinaliwanag niya na ang “option three” sa impeachment process ay nilikha upang mabilis na matanggal sa puwesto ang isang impeachable officer na hindi nagagawa ang trabaho o nakakaperwisyo sa bansa.

“‘Yung option three na tinatawag nilang option two na one-third signatures lang forward na kaagad… Kaya nilagay ‘yan para sa isang official, impeachable officer na hindi ginagawa ang trabaho niya o merong maling ginagawa sa trabaho niya o nakakaperwisyo sa bansa… Eh bakit natin pahihirapan ngayon katulad ng ginawa ngayon at humihirap na,” dagdag pa niya.

Kahapon, Enero 29, inanunsyo ng SC en banc na “denied with finality” ang motion for reconsideration na isinampa ng House of Representatives, na naglalayong baliktarin ang desisyon na idineklarang unconstitutional ang mga articles of impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.

Ayon sa korte, ang ika-apat na impeachment complaint na naipasa sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay barred na sa ilalim ng Article XI, Section 3, Subsection 5 ng Konstitusyon.

Ngunit iginiit ni Sotto na tila binago ng SC ang mga patakaran sa impeachment.

“Ako ayoko ng Con-con, ayoko ng Constituent Assembly pero kapag ganyan ang usapan, eh payag na ako,” ani ng Senador.

Nilinaw pa niya na ang kanyang posisyon ay prinsipyo lamang at hindi nakabatay sa personalidad ni Duterte.

“Ang legislation ay sa Congress, hindi sa Supreme Court. Kung gusto nating baguhin ang Constitution, let’s use a Constitutional Convention or a Constituent Assembly, hindi sa Supreme Court decision. ‘Yan ang punto ko,” paliwanag pa ni Sotto.

Kung maaalala na tatlong (3) impeachment complaints ang isinampa laban kay VP Duterte noong Disyembre 2024, lahat ay konektado sa umano’y maling paggamit ng confidential funds. Ang ika-apat na impeachment complaint, na sinuportahan ng higit sa one-third ng mga mambabatas sa Kamara, ay naipasa sa Senado bilang articles of impeachment.

Matatandaang noong Agosto ng nakaraang taon, inilipat ng Senado sa archives ang mga articles ng impeachment kasunod ng desisyon ng SC na idineklarang unconstitutional ang kaso.

Tungkol naman sa nakatenggang articles of impeachment, sinabi ni Sotto, “Sa ngayon wala, archived ‘yun dahil dineklara nilang unconstitutional based on some kind of thinking that they had. Unanimous pa. I’m surprised. Wala man lang ibang opinion or supporting opinion or explanation of their view.”

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na dapat igalang ang desisyon ng SC, tama man o mali.

“Agree or disagree, right or wrong, just or unjust, faultless or defective — we must accept and respect the SC ruling on the unconstitutionality of VP Sara Duterte’s impeachment case. They are not called the ‘gods of Padre Faura’ for nothing,” ani Lacson.