-- Advertisements --

Hindi kumbinsido si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa desisyon ng Korte Suprema na tuluyang ibinasura ang Motion for Reconsideration ng Kamara kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pagharap ni Sotto sa media kaninang umaga, iginiit niya na ang naging hakbang ng Korte Suprema ay isang panghihimasok sa proseso ng lehislatura. Ayon kay Sotto, malinaw umano itong paglabag sa eksklusibong kapangyarihan ng Kongreso na nakasaad sa Konstitusyon.

Ipinunto pa ng Senate President na hindi lamang batas ang naapektuhan sa desisyon ng Korte Suprema, kundi maging ang mismong Konstitusyon. Dagdag ni Sotto, tila malinaw ang direksiyon ng desisyon ng korte na hindi na nito nais magkaroon ng proseso ng impeachment sa bansa.

Samantala, nilinaw ni Sotto na ang kanyang pahayag ay hindi tumutukoy laban sa sinumang indibidwal.

Una rito, tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema ang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Batay sa desisyon ng Supreme Court En Banc, pinagtibay nito na ang ikaapat na reklamong impeachment na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay labag sa Article XI, Section 3, Paragraph 5 ng Konstitusyon.

Binigyang-diin din ng korte ang pagkakaiba ng dalawang pamamaraan ng impeachment—ang una ay dumaraan sa Committee on Justice, habang ang ikalawa ay maaaring direktang maisakatuparan kung may pirma ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara.

Sa panig naman ng Korte Suprema nilinaw nitong ang kanilang desisyon ay hindi nagpapawalang sala sa bise presidente sa mga reklamong kinakaharap nito. 

Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Vice President Sara Duterte sa kanyang legal team at sa kanyang mga tagasuporta matapos ang inilabas na desisyon ng korte.