Sinabi ni dating Supreme Court (SC) Associate Justice Adolfo Azcuna na puwede pa rin ang mas mabilis na proseso ng impeachment, o “second mode,” kahit na pinagtibay ng SC ang desisyon nitong idineklara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bilang unconstitutional.
Ani Azcuna, sa second mode, sapat na ang lagda ng 1/3 na mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at pagbibigay ng kopya ng reklamo at ebidensya sa bawat miyembro nito kung saan hindi na aniya kailangan pang i-refer sa House committee, kaya mas mapapabilis ang proseso.
Dagdag pa ng dating mahistrado, ang SC ay may malinaw ding paalala sa pagsisimula ng reklamo at sa one-year ban kung ito ay dinismiss ng komite.
Ipinaliwanag din ni Azcuna na malinaw na tinukoy ng SC kung ano ang ibig sabihin ng “initiate a complaint” at paano ito nagti-trigger ng one-year ban sa pagsampa ng bagong impeachment complaint.
Kung sakaling i-dismiss ng House Justice Committee ang complaint, na-record na at na-initiate kaya nagti-trigger ang one-year ban.
Sa pahayag sinabi pa ni Azcuna na ang ginawa ng Mataas na Hukuman ay hindi pag-labag sa Konstitusyon. “The SC can interpret the Constitution, also in such a way to make the rules of the House consistent to the Rules of the Constitution,” ani Azcuna.
Bagama’t sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang impeachment ay naging “impossible dream” matapos panindigan ng SC ang desisyon nito noong Agosto 2025, iginiit ng legal team ni Duterte na dapat mag “move on” na ang gobyerno sa ibang usapin dahil ang kaso ay supposedly “closed” na.















