-- Advertisements --

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si People’s Television Network (PTV-4) General Manager Lino Cayetano bilang susunod na pinuno ng Presidential Communications Office (PCO), kapalit ni Dave Gomez na hindi nakumpirma ang pagkakatalaga ng Commission on Appointments (CA).

Kinumpirma ni Marcos ang nakatakdang pagpapalit ng pamunuan sa panayam sa Kapihan sa Singapore nitong Linggo. Ayon sa pangulo, pormal na isasagawa ang pagbabago sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.

Nang tanungin kung kailan magkakabisa ang pagbabago, sinabi ng pangulo na kailangan na lamang itong pormal na maisaayos sa kanilang pagbabalik ng bansa.

Hindi nagbigay ang pangulo ng tiyak na petsa kung kailan opisyal na uupo si Cayetano bilang pinuno ng PCO.

Itinalaga si Cayetano bilang general manager ng PTV-4, ang himpilan ng telebisyon ng estado, noong Hunyo 2026. Bago ito, nagsilbi siyang alkalde ng Taguig City mula 2019 hanggang 2022 at kinatawan ng ikalawang distrito ng lungsod sa Kamara mula 2013 hanggang 2016.

Ang inaasahang pagbabago sa pamunuan ng PCO ay kasabay ng iba pang posibleng pagbabago sa Gabinete ni Marcos.
Sa parehong panayam, kinumpirma rin ng pangulo na tinanggap niya ang pagbibitiw ni Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda. Gayunman, sinabi niyang ipinagpaliban ng Malacañang ang pag-aanunsiyo nito habang naghahanap ng kapalit.

Samantala, nilinaw ni Marcos na hindi agad babalik si Public Works Secretary Vince Dizon sa Department of Transportation (DOTr). | via Bombo Angelo Aganan