Nagpaalala ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na mayroong available na benefit package na idinisenyo upang mapagaan ang pinansiyal na pasanin para sa gamutan ng mga karaniwang sakit ngayong panahon ng tag-ulan.
Kabilang dito ang W.I.L.D. diseases o water and food-borne illnesses, influenza-like illness, leptospirosis, at dengue, na karaniwang tumataas ang kaso kapag tag-ulan dahil sa mga pagbaha at pagkakalantad sa kontaminadong tubig.
Upang suportahan naman ang mga miyembro at kanilang mga pamilya, ang PhilHealth ay nag-aalok ng sumusunod na hospital coverage na dulot ng mga sakit na ito:
Para sa sakit na Dengue (mayroon man o walang warning signs), maaaring makapag-avail ng benefit package na hanggang PHP19,500.
Sa Severe Dengue Hemorrhagic Fever naman ay aabot hanggang PHP47,000.
Sa Leptospirosis (mild to severe)– hanggang PHP21,450
Sa Hepatitis A– hanggang PHP11,300, at sa Acute Gastroenteritis– hanggang PHP11,700.
Ang mga indibidwal na nakakaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, at iba pang sintomas ay pinapayuhan na komonsulta kaagad sa doktor para maiwasan ang komplikasyon.