Nananatiling lubog sa baha ang nasa 366 lugar sa walong rehiyon sa bansa dulot ng nagdaang bagyong Uwan.
Base sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga ng Miyerkules, Nobiyembre 12, patuloy na nakakaranas ng mga baha ang 147 lugar sa Central Luzon,104 sa Bicol Region at 61 sa Cagayan Valley.
Gayundin, may mga baha pa rin sa 29 na lugar sa CALABARZON Region kasama na ang 16 na lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), apat na lugar din ang binabaha pa rin sa Ilocos Region, 3 sa Western Visayas at dalawa sa Northern Mindanao.
Bunsod ng mga aabot sa bubong na pagbaha at lakas ng hanging dala ng bagyong Uwan sa kasagsagan ng pananalasa nito sa bansa, may mga kabahayang napinsala.
Sa datos ng NDRRMC, 33,882 kabahayan ang napaulat na bahagyang napinsala habang 7,320 iba pa ang tuluyang nawasak.
Pinakamalaking bilang ng mga nasirang bahay ay naitala sa Bicol Region na nasa mahigit 20,000 na bahagyang nasira habang mahigit 6,000 naman ang tuluyang nawasak.















