-- Advertisements --

Hindi bababa sa walong katao ang naiulat na nasawi dahil sa pagbaha at mga insidente ng landslide dulot ng Tropical Cyclone Basyang (international name: Penha), ayon sa tala bandang alas-8 ng umaga nitong Sabado.

Nilinaw naman ng mga awtoridad na ang bilang ng mga nasawi ay sumasailalim pa sa beripikasyon.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Junie Castillo, apat na miyembro ng isang pamilya ang nasawi sa Cagayan de Oro City matapos matabunan ng landslide.

Ayon ‘yan sa tala ng city disaster risk reduction and management office na ipinasa sa OCD Region 10.

Samantala, iniulat ni Iligan City Mayor Frederick Siao ang tatlong nasawi sa kanilang lungsod, bagama’t patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Mayroon ding isang nasawi ang naiulat sa Agusan del Norte matapos malunod, ayon sa OCD Caraga.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na humina na ang Basyang at naging low-pressure area (LPA) nitong madaling araw ng Sabado matapos itong mag-landfall ng limang beses sa Mindanao at Visayas, na nagdulot ng paghina ng bagyo habang tumatawid sa kalupaan.

Sa kanilang 5:00 A.M. weather bulletin, sinabi ng state weather bureau na huling namataan ang LPA sa timog-silangan ng Cuyo, Palawan, at kumikilos pahilaga-kanluran sa bilis na 25 kilometro.

Kaugnay nito sa pinakahuling situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 30 barangay sa rehiyon ng Caraga ang binaha, na nakaapekto sa 64,360 pamilya o 232,550 indibidwal sa kabuuang 517 barangay.

Sa bilang na ito, 16,528 pamilya o 53,983 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 480 evacuation centers, habang 4,489 pamilya o 16,807 indibidwal ang tinutulungan ng pamahalaan sa labas ng mga evacuation facility.

Iniulat din ang pinsala sa imprastraktura, kabilang ang tatlong kalsada at dalawang tulay sa Caraga na pawang hindi madaanan.

Nagkaroon din ng power outage sa 14 na lungsod at munisipalidad sa Caraga. Ayon sa OCD, nananatiling walang kuryente ang limang lugar, habang naibalik na ang suplay sa siyam na iba pa.

Bukod pa rito, sinabi ng OCD na 9,532 pamilya o 31,981 indibidwal ang isinailalim sa preemptive evacuation sa iba’t ibang rehiyon. Kabilang dito ang 1,343 pamilya (6,270 katao) sa Negros Island Region, 784 pamilya (2,498 katao) sa Central Visayas (Region 7), at 6,878 pamilya (23,093 katao) sa Caraga.

Aabot naman sa 10,083 pamilya ang tinukoy na nangangailangan ng tulong, na may kabuuang halaga ng relief assistance na P6.51 million.