-- Advertisements --

Umabot na sa 206 pamilya o 841 indibidwal ang natukoy ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na apektado sa kontrobersyal na sagupaan ng militar at mga rebelde sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, noong Enero-1.

Unang kinukuwestyun ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang naturang sagupaan dahil isinagawa ito sa kabila ng unilateral ceasefire ng CPP. Ginamitan din ito ng air support, na isa sa mga pangunahing kinukuwestyun ng rebeldeng grupo.

Ayon sa konseho, 186 sa mga apektadong pamilya ang pansamantalang nasa loob ng evaciation centers habang ang iba ay piniling manatili sa ibang lugar.

Sa naunang pahayag na inilabas ni NDF Mindoro Spokesperson Patricia Andal, nakasaad dito na isang Jerlyn Rose Doydora ang nasawi matapos siyang dumanas ng malubhang sakit kasunod ng sagupaan. Si Doydora ay isang Bachelor of Science in Secondary Education student mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Ayon naman sa 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army, narecover ng mga sundalo ang maraming kagamitan sa encounter site, kabilang na ang mga gamit ni Doydora tulad ng debit cards, ID, medical kits, hygiene kits, at marami pang iba.

Una na ring dumipensa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol sa paggamit ng air assets para matulungan ang mga sundalong nasa ground.