Inilabas na ng Manila Police District (MPD) ang traffic advisory nito para sa pagsasara ng kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko kaugnay ng selebrasyon ng Chinese New Year sa Pebrero 17.
Ayon sa isang post ng MPD sa kanilang social media, magsisimula ang pagsasara ng Binondo-Intramuros Bridge mula alas-3 ng madaling araw sa Pebrero 16. Pagsapit ng ala-7 ng gabi, isasara naman ang southbound traffic sa Jones Bridge, at magsisimula ang northbound closure sa parehong tulay mula ala-9 ng gabi.
Magkakaroon din ng mga road closures pag-sapit ng ala-10 ng gabi, kabilang ang mga U-turn access at ilang bahagi ng mga kalsadang nakapalibot sa Plaza Lorenzo Ruiz, pati na ang Ongpin Street, Juan Luna Street, Quintin Paredes Street, at Plaza Cervantes.
Ang mga apektadong kalsada ay kinabibilangan ng Plaza Lorenzo Ruiz U-turn access, Ongpin Street mula Juan Luna hanggang Quintin Paredes, Quintin Paredes Street mula Dasmariñas hanggang Escolta, Jones Bridge, Juan Luna Street mula Dasmariñas hanggang Muelle de la Industria, Binondo-Intramuros Bridge, at Plaza Cervantes.
MGA ALTERNATIBONG RUTA
Upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko, hinikayat ng MPD ang mga motorista na gamitin ang mga alternatibong ruta habang isinasagawa ang mga road closures.
Ang mga sasakyan mula sa Juan Luna Street patungo sa Jones Bridge southbound ay ididirekta sa Dasmariñas Street, Muelle de Binondo, at Muelle de la Industria papuntang Plaza Sta. Cruz.
Ang mga motorista naman mula sa P. Burgos Avenue papuntang northbound ay inaasahang dumaan sa MacArthur Bridge o Quezon Bridge.
Habang ang mga motorista mula sa Riverside Drive at patungong Binondo-Intramuros Bridge northbound ay ida-divert sa A. Soriano Avenue at Anda Circle. Ang mga darating mula sa Muelle de la Industria at patungong southbound ay irerekomenda na dumaan sa Muelle Banco de Nacional.
Samantalang ang mga motorista mula sa San Fernando Street patungong Jones Bridge ay ididirekta sa Dasmariñas Street at Muelle de Binondo.
















