Naaresto ang isang 35-anyos na dating supervisor ng isang gasolinahan sa Maynila matapos umanong mangulimbat ng aabot sa P57 million na kita ng kompanya.
Ayon sa Manila Police District (MPD), naaresto ang akusado sa harap ng isang condominium sa Parañaque City noong hapon ng Martes, Marso 31.
Pinaniniwalaang pineke niya ang mga deposit slip ng benta ng gasolinahan upang itago ang aktwal na kinikita.
“Ang ginagawa niya raw ay pina-falsify niya ’yong nire-remit niyang pera. Halimbawa, kung kumita ang gasolinahan ng 800,000 pesos, ang binibigay niya lang ay 200,000. Binabawas niya hanggang sa pumatong nang pumatong, umabot sa P57 million,” ani PMAJ Jake Serrano Arcilla, hepe ng Warrant and Subpoena Section-MPD.
Nagsimula umano ang akusado sa naturang gasolinahan noong Marso 2024 sa ilalim ng isang manpower agency.
Noong Marso 2025, nadiskubre ng agency ang kanyang ilegal na gawain matapos masilip ng roving auditor ang mga deposit slip. Ayon sa Human Resource officer ng agency, hindi na nag-report sa opisina ang suspek para magpaliwanag.
Napansin rin umano ang biglang pagyaman ng akusado. “Meron po siyang napo-post sa social media na magagarbo ang gamit niya, branded, at madalas kasama ang pamilya sa get-together… hindi po akma sa kikitain niya bilang station supervisor,” dagdag ni Arcilla.
Naisampa sa akusado ang 96 counts ng qualified theft, na maaari pang madagdagan. Tumanggi siyang magbigay ng komento habang nasa custodial facility ng MPD.
















