-- Advertisements --

Iniutos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pag-sibak sa serbisyo ng isang pulis sa Maynila kaugnay ng umano’y kaso ng panggagahasa.

Sa isang pahayag, sinabi ng komisyon na napatunayang responsable si Patrolman Joshua Mendoza sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Ayon sa NAPOLCOM, ipinakita umano ni Mendoza ang paglabag sa batas at kawalan ng moralidad, dahilan upang ideklarang hindi na siya karapat-dapat manatili sa serbisyo.

“Accordingly, he was meted the penalty of dismissal from the service,” ayon sa komisyon.

Batay sa desisyon na inilabas noong Mayo 4, ginamit bilang ebidensya ang mga salaysay ng saksi, medico-legal findings, CCTV footage, at testimonya ng complainant na nagpatibay sa kaso laban sa pulis.

Ayon sa NAPOLCOM, isinagawa umano ni Mendoza ang sexual violence laban sa biktimang wala sa ulirat at hindi kayang magbigay ng pahintulot, na labag sa Anti-Rape Law.

Samantala, pinawalang-sala naman ng komisyon ang isa pang pulis na nadawit sa reklamo matapos mapag-alamang walang sapat na ebidensya laban dito.

Binigyang-diin ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan na walang puwang sa hanay ng kapulisan ang ganitong uri ng abusers.

Nabatid na nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain noong Enero ng isang babaeng kinilalang “Anna.” Ayon sa kanya, nakipagkita siya kay Mendoza kasama ang ilang iba pa, kabilang ang isa pang pulis at isang barangay official.

Ikinuwento ng biktima na nawalan siya ng malay matapos siyang painumin, na pinaghihinalaan niyang may halong sangkap. Nang siya ay magising, nakita niya na lang ang sarili sa loob ng isang motel habang siya’y ginagahasa, at tumigil lamang umano ang suspek nang siya ay magkamalay.

Patuloy naman nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo para kunin ang pahayag ng Manila Police District kaugnay ng insidente.