Ipinatupad ang mahigpit na seguridad sa Mendiola patungong Malacañang simula nitong Martes, Hunyo 30, upang harangan ang posibleng pagmartsa ng mga nagpoprotesta.
Ito ay kasunod ng biglaang “lightning rally” ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument at Liwasang Bonifacio.
Nilagyan ng Manila Police District (MPD) ng patong-patong na harang ang Mendiola Peace Arch. Kabilang dito ang mga concrete barriers, mga barbed wire, at malalaking container vans sa dulo ng kalsada.
Nagtayo rin ng double barricades sa Recto Avenue at Mendiola. Pansamantala ring isinara at hinarangan ang mga pangunahing gate ng Malacañang Palace.
Sarado rin sa mga motorista ang Ernshaw Street, Legarda Street, at ang ruta mula Nagtahan patungong Otis.
May mga barikada rin sa Ayala Bridge mula Lopez at Romualdez Streets.
Gayunpaman, tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sila ay nagpapatupad ng maximum tolerance para sa mapayapang rally.
Ayon naman kay Palace press officer USec. Claire Castro walang namomoong banta sa seguridad ng Pangulo. Ang pinaigting na seguridad ay bahagi lamang ng standard protocol upang protektahan ang Palasyo bilang isang kritikal na gusali ng gobyerno.
















