-- Advertisements --

Isinara ang ilang kalsada sa lungsod ng Maynila simula kaninang alas-5:00 ng hapon dahil sa ikinasang rally ng grupong United People’s Initiative (UPI) sa Liwasang Bonifacio ngayong Sabado, Hulyo 18.

Sa anunsiyo ng Manila Police District, sarado ang kahabaan ng C.M Recto Ave. mula sa N. Reyes patungong Mendiola; sa kahabaan ng Legarda mula sa Figueras St. patungong San Rafael St.; Ayala Bridge at eastbound lane ng Ayala Blvd. mula sa San Marcelino patungong Romualdez St.

Inabisuhan din ang publiko na isasara rin simula alas-sais ng umaga bukas, Hulyo 19 ang kahabaan ng Magallanes Drive mula sa Jones patungong McArthur Bridge; Southbolund lane ng McArthur Bridge mula sa Plaza Lacson patungong Liwasang Bonifacio, subalit nakadepende umano ang oras ng pagsasara ng kalsada sa aktwal na sitwasyon ng trapiko at dami ng dadalo.

Kabilang din sa isasara ang southbound lane ng Quezon Blvd. mula sa A. mendoza/Fugoso St. patungong Quezon Bridge hanggang Liwasang Bonifacio at sa Southbound lane ng Lerma St. mula sa España Blvd./P. Campa patungong A. Mendoza Blvd.

Samantala, inaabisuhan naman ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta upang maiwasan ang abala sa biyahe o maipit sa trapiko.