Itinanggi ng mga abogado ng United People’s Initiative (UPI) nitong Miyerkules ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may banyagang grupo umanong nagpondo sa kanilang anti-corruption rallies sa Edsa.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng UPI na ang ganitong alegasyon ay walang basehan at naglalayong lituhin ang publiko.
Binatikos din nila ang militar dahil, sa kabila umano ng bilyong pisong intelligence funds, ay wala itong maipakitang dokumento, bank records, foreign actors, o anumang validated intelligence report na magpapatunay sa alegasyon.
Hinimok ng UPI ang AFP na iwasan ang paglalabas ng haka-haka at hindi beripikadong impormasyon.
Nitong Martes, sinabi ni acting AFP spokesperson Rear Adm. Roy Vincent Trinidad na posibleng may “foreign groups” na nagpondo sa malakihang pagpupulong, kung saan marami raw kahon ng pagkain at tubig ang ipinamahagi sa mga dumalo.
Nabalam ang tatlong araw na rally matapos tanggihan ng Quezon City government ang permit para sa huling araw, dahil umano sa mga pahayag na may bahid ng sedisyon mula sa ilang kalahok. (report by Bombo Jai)
















