Sinabi ni House Committee on Justice Chairperson na si Gerville Luistro na maaaring hilingin ng kanyang komite ang bank records at ipatawag ang mga testigo sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, saklaw ng impeachment sa House of Representatives of the Philippines ang eksepsyon sa Bank Secrecy Law. Dahil dito, maaaring maglabas ang komite ng subpoena duces tecum upang makuha ang mga kaugnay na dokumento, kabilang ang financial records, at pilitin ang pagdalo ng mga saksi.
Naging isyu ito sa pagtalakay sa reklamong nag-aakusa ng “unexplained wealth” laban sa Bise Presidente. Gayunman, nilinaw ni Luistro na nasa ikatlong yugto na ang proseso, kung saan inatasan si Duterte na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw na hindi maaaring palawigin.
Ipinaalala rin ni Luistro na bagama’t calendar days ang sinusunod sa paghahain ng mga sagot at iba pang pleadings, nakasaad sa mga patakaran na may 60 session days ang justice committee upang maipadala sa plenaryo ang committee report kaugnay ng impeachment case. (report by Bombo Jai)
















