-- Advertisements --

Inaprubahan ng mga awtoridad sa Brazil nitong Miyerkules, Nobyembre 26, ang kauna-unahang single-dose dengue vaccine na may 91.6 porsiyentong bisa laban sa severe dengue.

Pinangalanang “Butantan-DV” ang naturang bakuna, mula sa pangalan ng developer nito na Butantan Institute. Nabuo ito matapos ang walong taong clinical trial sa Brazil. Inaasahang magbibigay daan ang bakuna para sa mas mabilis at mas simpleng vaccination campaigns.

Ayon kay Esper Kallas, direktor ng Butantan Institute, ang single-dose dengue vaccine ay isang historikong tagumpay para sa agham at kalusugan sa Brazil. Dagdag pa niya, ang sakit na nagpapahirap sa mga tao sa loob ng ilang dekada ay maaari nang labanan gamit ang isang makapangyarihang sandata.

Inaprubahan din ng Health Regulatory Agency ng Brazil o ANVISA ang paggamit ng Butantan-DV para sa mga taong may edad 12 hanggang 59.

Samantala, sa kasalukuyan, ang TAK-003 vaccine ang tanging available na bakuna laban sa dengue sa buong mundo. Ito ay nangangailangan ng dalawang doses na may tatlong buwang pagitan, ayon sa World Health Organization (WHO).