Walang plano ang Department of Health (DOH) na ibalik ang pagmamandato ng pagsusuot ng facemask sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng influenza at influenza-like illnesses (ILI).
Subalit, hinikayat ng ahensiya ang mga magulang o kanilang anak at guro na magsuot ng mask kapag may sintomas ng ubo o sipon upang maiwasan ang hawahan.
Ipinaliwanag ni Health spokesperson ASec. Albert Domingo na normal ang bahagyang pagtaas ng trangkaso tuwing tag-ulan, mula Hunyo hanggang Nobyembre.
Nilinaw naman ng Department of Health (DOH) na walang bagong virus na kumakalat sa bansa sa gitna ng pagtaas ng kaso ng naturang sakit.
Ayon kay ASec. Domingo, mas mababa pa rin ang bilang ng kaso ngayong taon kumpara noong 2024.
Batay sa datos mula Enero hanggang Setyembre 27, may 121,716 kaso ng ILI ngayong taon, 8% na mas mababa kumpara sa 132,538 kaso noong 2024.
Saad pa ng DOH official, ang suspensyon ng face-to-face classes sa Metro Manila mula kahapon Oktubre 13 hanggang ngayong Martes, Oktubre 14 ay bahagi lamang ng pag-iingat ng DepEd at kasabay din ng mga earthquake preparedness activities.