Ipinag-utos ng DepEd-NCR ang suspensiyon ng face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa Metro Manila ngayong Lunes Oktubre 13 hanggang bukas, Oktubre 14.
Ito ay dahil sa pagtaas ng kaso ng influenza-like illness o mga sintomas ng trangkaso sa mga mag-aaral at guro, at sa sunud-sunod na lindol na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa DepEd, layon ng dalawang araw na suspensyon na bigyang prayoridad ang kalusugan, kaligtasan ng mga mag-aaral at guro gayundin ang katatagan ng mga gusali ng paaralan habang nagpapatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng online o modular classes.
Inatasan din ang mga paaralan na gamitin ang dalawang araw para sa paglilinis at disinfection ng mga silid-aralan, pati na rin ang pagsasagawa ng structural inspection upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at kawani. Kabilang din dito ang paghahanda sa mga earthquake drill at emergency protocols.
Pinaalalahanan naman ni DepEd NCR Director Jocelyn Andaya ang mga paaralan na palakasin ang health at safety measures at makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.
Hinikayat din ang mga pribadong paaralan na magsagawa ng kaparehong hakbang para sa kaligtasan ng kanilang mga estudyante at kawani.