Pinapakalma ng infectious disease expert ang publiko sa gitna ng tuloy-tuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nakikitaan ng influenza-like illness (ILI).
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, normal na nangyayari ito sa mga panahon ng taglamig kung saan kadalasang nagsisimula sa buwan ng Agosto at nagtatagal hanggang sa buwan ng Nobiyembre. Maari itong magpatuloy pa aniya hanggang sa unang bahagi ng Enero.
Gayonpaman, karaniwan ding gumagaling ang mga nakakapitan ng naturang sakit kahit hindi na dinadala sa ospital o nagsasagawa ng self-medication at sapat na pahinga.
Ang kailangan lamang aniyang maprotektahan ay ang vulnerable population tulad ng mga senior, may mga dating sakit, at mga bata, kaya’t dapat pa ring sumunod sa mga basic health protocols.
Sa kasalukuyan, bagaman tumataas ang kaso ng ILI, malayo pa aniya ito sa epidemic treshold, habang mas marami pang naitala nitong nakalipas na taon.
Nilinaw din ng infectious disease expert na napakababa ang case fatality rate ng mga naturang sakit. Hindi aniya dapat ika-alarma ito ng publiko dahil mataas ang chance of recovery ng mga nakakapitan ng naturang sakit.
Sa kabila nito, pinayuhan pa rin ng eksperto ang publiko na magpa-konsulta sa mga pagamutan o health clinic kung nakakaramdam ng sintomas ng sakit upang mabigyan ng akmang medical advice.
Dapat din aniyang matukoy kung ang isang pasyente ay mayroong simpleng ILI lamang o ibang respiratory disease upang maisailalim ito sa akmang gamutan.