Nangako si Senate President Vicente ”Tito” Sotto III nitong araw ng Martes na agad siyang kikilos kung muling magtatangka ang House of Representatives na i-impeach si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, anumang impeachment case na ipapasa sa Senado ay kanilang tutugunan kaagad.
Sa tanong kung handa na ba ang Senado sa posibleng paglilitis at kung maaari bang makaapekto ang ganitong proseso sa katatagan at ekonomiya ng bansa, sinabi ng Senate President na maaga pa o “premature” para malaman ang kakahantungan ng impeachment case.
Sa kabilang dako, una nang inihayag ng Makabayan bloc at ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña na handa silang magsumite ng panibagong impeachment case laban kay sa Bise Presidente kapag lumipas na ang one-year bar rule sa Pebrero 6.
Maalalang na-impeach si VP Sara Duterte ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Pebrero 5, 2025, ngunit pinawalang-bisa ng Korte Suprema dahil sa paglabag nito sa Saligang Batas na nagbabawal sa paghain ng higit sa isang impeachment filing laban sa iisang opisyal sa loob ng isang taon.
















