Mahigit 20 na kabahayan ang nasira matapos bumagsak ang kontrobersiyal na dike sa Barangay Candating, Arayat, Pampanga noong Biyernes ng hapon. Walo sa mga ito ang tuluyang nawasak.
Ito na ang pangalawang pagbagsak ng dike, na itinayong pananggalang sa baha kapag umaapaw ang Pampanga River.
Noong Agosto 2025, unang bumagsak ang parehong bahagi ng dike matapos ang serye ng mga bagyo.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, naghahanda na ang ahensya para kasuhan ang mga kontratista na napagalaman na Eddmari Construction and Trading, at mga opisyal ng DPWH na sangkot umano sa halos P100 million flood control projects.
Giniit naman ng engineer ng Eddmari, ang lupa at hindi ang sheet piles, ang dahilan ng pagbagsak ng dike.
Ngunit nakatuon si Dizon sa final technical assessment ng DPWH Central Office bilang batayan sa susunod na gagawing hakbang nito.
Plano rin ni Dizon na humingi ng tulong sa Technical Working Group on Flood Control Management, kabilang ang mga hydrologists at eksperto, upang makabuo ng mas maayos at pangmatagalang solusyon sa mga nararanasang baha, alinsunod sa umiiral na master plans ng ahensya.
















