-- Advertisements --

Lilimitahan na ng Bureau of Immigration (BI) ang paggamit ng mobile phones ng mga foreign detainees kung saan ibabalik na lamang ng ahensya ang landline phones gayundin ang pagtatayo ng video call booths.

Ang naturang hakbang ay kasunod ng rebelasyon ng Russian vlogger na si vitaly zdorovetskiy na sinuhulan niya ang mga guwardiya para makapag shoot ng vlog at makagamit ng mobile device habang nakakulong sa detention.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, papalitan ng landline phones ang mobile devices upang mas mabantayan ang komunikasyon ng detainees at maiwasan ang maling paggamit katulad nang nangyari sa Russian vlogger.

Ang mga video calling booths ay ilalagay para masubaybayan din ang mga foreign detainees kung ginagamit ba ng mga ito ng tama ang naturang communication line.

Batay naman sa initial investigation ng BI, nakapasok sa facility ang mobile device sa tulong umano ng isang Filipina na asawa ng isa ring detainee sa BI.

Ayon sa BI, hindi basta ipagkikibit-balikat ang isyu dahil may ilang detainees na inaabuso umano ang kanilang kalayaan sa loob ng facility.

Samantala, tinanggap na ng Malacañang ang courtesy resignation ng warden ng Bureau of Immigration Warden Facility, habang dalawang deputy wardens at tatlong empleyado rin ang tinanggal sa kanilang posisyon.