-- Advertisements --

Nagbago na ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, sinabi ng Pangulo na kung maisasampa ang reklamong impeachment, dapat itong i-trato tulad ng ginagawang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects—walang kinikilingan at dumadaan sa tamang proseso.

Bagama’t hindi direktang sinabi kung susuportahan o hahadlangan ng Pangulo ang impeachment, iginiit ni Castro na igagalang nito ang proseso at mananagot ang sinumang mapatutunayang may kasalanan.

Matatandaang noong mga nagdaang taon, tinawag ni Pangulong Marcos na pag-aaksaya ng oras ang impeachment laban sa bise presidente. Ayon kay Castro, maaaring noon ay hindi pa lubusang nakikita ng Pangulo ang lawak ng mga isyung ipinupukol laban kay VP Duterte.

Binigyang-diin ng Malacañang na dapat pairalin ang pananagutan at due process, at hayaang umusad ang imbestigasyon batay sa ebidensiya.