-- Advertisements --

Nagsampa ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice laban kay Alice Leal Guo dahil sa umano’y tax evasion at kabiguang magsumite ng Annual Income Tax Returns mula 2019 hanggang 2023.

Tinatayang mahigit P1.008 bilyon ang kakulangan sa buwis, kasama ang surcharges at interes.

Ang kaso ni Guo ang pinakamalaki sa limang kasong kriminal na isinampa ng BIR noong Hunyo 11, 2026, na may kabuuang tinatayang P1.46 bilyon na tax deficiency.

Batay sa imbestigasyon, lumabas na si Guo ay may malalaking ari-arian, sasakyan, helicopter, bank transactions, at investments sa iba’t ibang korporasyon, ngunit hindi nagsumite ng income tax returns sa loob ng limang taon.

Ginamit ng BIR ang expenditure method upang tukuyin ang kanyang kita at natuklasan na may malaking undeclared income.

Si Guo ay kinasuhan sa ilalim ng Section 254 ng National Internal Revenue Code (NIRC) para sa Attempt to Evade or Defeat Tax at Section 255 para sa Failure to File Return and Pay Tax.

Bukod kay Guo, nagsampa rin ng kaso ang BIR laban kina Clint Anthony A. Vinco, Zestar Food Corporation (kasama ang mga opisyal na sina Yiling Huang at Xiazhen Guo), at siyam pang respondents dahil sa umano’y ilegal na pagmamay-ari ng halos 575,000 packs ng sigarilyo na walang tax stamps.

Tinatayang P418.38 milyon ang excise tax deficiency sa kasong ito.

Tatlong iba pang kaso ang isinampa laban sa Bellagio Phil. Amusement Inc., AJAF Limsart Corp., at kay Joana Marie Chan Saludaga dahil sa kabiguang magbayad ng assessed taxes na umabot sa mahigit P41.8 milyon.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, patuloy na ipatutupad ng ahensya ang Run After Tax Evaders (RATE) Program upang papanagutin ang mga lumalabag sa batas at protektahan ang mga nagbabayad ng tamang buwis.