-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang hiling ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na palawigin ang completion date ng P4.23 billion Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Project hanggang Agosto 2026.

Ayon sa ERC, makatarungan ang extension dahil sa mga hindi inaasahang balakid gaya ng problema sa right-of-way, kondisyon ng lugar, proseso ng procurement, at iba pang hamon sa konstruksyon.

Ang orihinal na completion date ay itinakda noong Mayo 31, 2025.

Ngunit pahayag ng NGCP na nagsimula ang pre-construction activities nito noong Enero 2017 pa, dagdag pa ng korporasyon na naapektuhan ang progreso ng proyekto dahil sa mga iba’t ibang isyu tulad ng legal at technical.

Batay sa ulat ng NGCP, nasa 91.2% na ang overall completion ng proyekto hanggang Hulyo 31, 2025.

Bagamat pinayagan ang extension, tinanggihan ng ERC ang hiling ng NGCP na ma-exempt sa pagbabayad ng permit fees. Giit ng ERC, bahagi ito ng regulatory function ng ahensya sa NGCP bilang isang public utility.