Isasailalim sa yellow alert ang Visayas grid mamayang hapon bunsod ng pagtaas ng demand.
Sa inisyung advisory ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ngayong Huwebes, Disyembre 11, ilalagay sa yellow alert status ang Visayas grid mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ayon sa grid operator, ang available capacity ng Visayas grid ay 2,578 megawatts (MW), na kaunti na lamang ang agwat mula sa inaasahang peak demand na 2,535 MW.
Ilan sa mga factor o dahilan na nakaambag sa pagtataas ng Visayas grid sa yellow alert ay ang pagsipa ng demand ng 36MW ngayong araw, ang KSPC unit 2 na 103MW ay hindi pa rin gumagana, at ang pagtaas din ng 49MW na demand sa Mindanao, na naglilimita lamang sa 207MW na mai-export sa Mindanao-Visayas Interconnection Project (MVIP) gayundin nasa derated capacity ngayong araw ang Agus 6 Hydroelectric Power Plant.
Sa kabuuan, nasa 482.41MW ang hindi available sa Visayas grid dahil may mga planta ng kuryente na naka-forced outage mula pa noong mga nakalipas na taon o kaya naman ay nasa derated capacity.
Iniisyu ang Yellow Alert kapag hindi sapat ang operating margin para punan ang contingency requirement ng transmission grid, subalit hindi ito nangangahulugang magreresulta sa power interruptions.
Samantala, nananatiling nasa normal na kondisyon ang Luzon at Mindanao grid.














