Iniulat ng National Electrification Administration (NEA) na halos 2.9 milyon na residente at konsumer ang apektado ng power outage matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Partikular na sa mga lugar sa Aurora, Bicol, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Northern Samar, Samar, Ilocos Region at Quirino.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Almeda, 34 electric cooperatives ang nananatiling walang kuryente, habang 32 ECs ay nag-operate na nang normal.
Ang First Catanduanes Electric Cooperative (Ficelco) sa Catanduanes ay naapektuhan ng pagbaha, ngunit aktibo ang pagbabalik ng kuryente.
Base naman sa ulat mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), may 32 transmission lines na hindi available na nakaapekto sa 32 electric cooperatives sa Luzon at Visayas.
Naibalik naman na ang 9 na linya, habang 44 ang hinihintay pang maayos.
Ayon sa NGCP, ang pagkawala ng kuryente ay dulot ng apektadong transmission o distribution facilities.















