Naniniwala si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na hindi makaka-apekto sa pag-usad ng impeachment complaint laban kay VP Sara ang ginawa niyang pag-anunsyo kahapon (Feb. 18) na tatakbo siyang pangulo ng Pilipinas sa susunod na halalan.
Ayon sa mambabatas, tungkulin nila sa mababang kapulungan na talakayin ang reklamo laban sa sinumang impeachable official, salig sa itinatakda ng saligang batas.
Nag-anunsyo man o hindi ang dating pangulo, kailangan aniya ng Kamara na pagdebatehan at desisyunan ang reklamo laban sa pangalawang pangulo, at ang desisyon ng bawat mambabatas ay ibabatay pa rin aniya sa bigat ng mga iprepresentang ebidensiya.
Hindi rin nababahala si Chua sa posibleng sasabihin ng kampo ng pangalawang pangulo na pamumulitika ang impeachment complaint, lalo na kung tuluyan itong uusad sa Senado, bilang impeachment court.
Ayon sa Manila representative, mayroon nang complaint na naihain laban sa pangalawang pangulo noon pang 2024 at 2025 kung kailan hindi pa siya nag-aanunsyo ng kaniyang intensyon na tumakbo sa pagkapangulo.
Nataon lamang aniya na natapos na ang 1-year ban at tuluyan na ring nag-anunsyo ang pangalawang pangulo sa kaniyang plano sa nalalapit na halalan.
Iginiit din ng mambabatas na hindi na niya ikinagulat ang pagdedeklara ni Duterte ng kaniyang plano sa susunod na halalan, dahil matagal na rin aniyang inaasahan ito ng publiko.
















