-- Advertisements --

Hinamon ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na patunayan ang kanyang pagtutol sa mga kickback o lagayan sa loob ng ahensya. 

Aniya, magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng hinihinging impormasyon ng mga mambabatas.

Nilinaw ni Leviste na ang kanyang layunin ay ang isulong ang sistematikong reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at hindi lamang ang pagpapalit ng mga taong namumuno sa mga proseso ng bidding.

Ayon sa Kongresista, hindi sapat na solusyon sa korapsyon ang simpleng pagpapalit ng mga opisyal na namamahala sa mga proyekto. Sa halip, iminungkahi niya ang isang 25% na markdown o pagbabawas sa presyo ng mga proyekto ng DPWH bilang konkretong hakbang laban sa kickback o lagayan.

Ipinaliwanag niya na ang nasabing markdown ay magpapababa ng tukso para sa mga kontraktor at opisyal ng DPWH na kumita sa iligal na paraan, at magsisilbing patunay na hindi kinukunsinti ng kagawaran ang katiwalian.

Dagdag pa ni Leviste, si Undersecretary Arrey Perez ay hindi lamang ang opisyal na umano’y may kaugnayan sa mga kontraktor. 

Gayunman, sinabi niyang ipaubaya na niya kay DPWH Secretary Vince Dizon ang imbestigasyon at umaasa siyang ito ay isasagawa nang may buong transparency.

Tiniyak din ng kongresista na bukas siya sa tuloy-tuloy na komunikasyon sa mga opisyal ng DPWH upang maisulong ang mga repormang nais niyang ipatupad para sa kapakanan ng publiko.