Makakatanggap ng dagdag-sahod ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa South Korea matapos aprubahan ng pamahalaan ng nasabing bansa ang pagtaas ng minimum wage na ipatutupad ngayong taon.
Ayon ‘yan sa Department of Migrant Workers (DMW), kung saan aniya itinaas ang mandatory minimum hourly wage sa KRW 10,230 o humigit-kumulang P409, na dating KRW 10,030 o mga nasa P401 noong nakaraang taon.
Dahil sa wage hike, aabot na sa tinatayang KRW 2,156,880 o humigit-kumulang P86,252 ang karaniwang buwanang sahod ng mga manggagawa sa bansa, batay sa 209 working hours kada buwan o isang standard na 40-hour workweek ng South Korea.
Nabatid na ang pagtaas ng sahod ay inaprubahan matapos pagtibayin ng consensus resolution ang Korean Minimum Wage Commission sa plenary meeting nito noong Hulyo 2025. Kung saan naaprubahan ang panukalang minimum hourly wage noong Enero 1.
Nilinaw ng DMW na saklaw ng bagong minimum wage ang lahat ng industriya sa bansa, kabilang ang mga manggagawang nasa ilalim ng Employment Permit System (EPS), gaya ng mga OFW sa manufacturing at caregiving sectors.
Batay sa datos ng ahensya, may humigit-kumulang 25,606 Filipino minimum wage earners sa South Korea ang nasa ilalim ng EPS na direktang makikinabang sa umento sa sahod.
Taun-taong nire-review ng pamahalaan ng South Korea ang minimum wage upang balansehin ang pangangailangan ng mga manggagawa at ng sektor ng negosyo. Isinasaalang-alang sa proseso ang cost of living, kasalukuyang wage levels, labor productivity, income distribution, at uri ng industriya.
















