Target ng Pilipinas na matapos ang diyalogo kaugnay sa code of conduct sa pinagtatalunang karagatan ngayong taon habang ang bansa ang chair ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).
Sa isang forum sa Singapore, inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theresa Lazaro na daragdagan pa ng ASEAN at China ang working group meetings kada buwan mula sa kasalukuyang tatlong buwang intervals.
Magkakaroon din aniya ng karagdagang pulong sa pagitan ng senior officials sa ilalim ng bagong schedule.
Aniya, layunin ng isasagawang mga pagpupulong na makabuo ng isang code na epektibo at matibay at salig sa napagkasunduan ng ASEAN foreign ministers noong 2023.
Ayon kay Secretary Lazaro, nagkaroon ng improvement ang pag-uusap kaugnay sa naturang code of conduct kung saan ilang miyembro ng ASEAN kamakailan ay nagsumite ng mga dokumento at proposals bilang gabay sa susunod na yugto ng mga pag-uusap.
Ilan aniya sa pinaka-pinagtatalunang isyu kung legal na may bisa ang code ay ang geographical scope na saklaw ng kasunduan at depinisyon ng mga termino gaya ng “self-restraint.”
Ang ASEAN-China Code of Conduct sa disputed waters ay isang kasunduan na kasalukuyang pinag-uusapan upang magtakda ng mga panuntunan para mapahupa ang tensiyon at maiwasan ang armadong tunggalian sa pinag-aagawang teritoryo.
















