-- Advertisements --

Muling umapela ang Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na tumalima sa siyam na taon ng 2016 Arbitral ruling.

Ginawa ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro ang panawagan isang araw bago ang anibersaryo ng ruling ng The Hague tribunal noong Hulyo 12, 2016 na nagpawalang saysay sa malawakang claims ng China sa disputed waters.

Sa kaniyang video message sa isang forum na inorganisa para alalahanin ang makasaysayang panalo ng Pilipinas, sinabi ng kalihim na patuloy na sinusubok, hinahamon at sinisira ang pagiging lehitimo ng naturang ruling na naglalagay sa maritime interest ng bansa sa panganib maging ang pinagsikapang makamit na katatagan at kaunlaran sa rehiyon.

Tinawag naman ng bagong DFA chief ang ruling bilang cornerstone ng maritime policy ng Pilipinas kasama ang 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at nangakong kaniya itong babantayan sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Inilatag din ng kalihim ang apat na “dynamics” na gagabay sa maritime statecraft ng bansa kabilang ang pagtatatag ng mga alyansa kasama ang like-minded nations at pagpapanatiling bukas sa linya ng komunikasyon pareho sa China at sa iba pang ASEAN states na claimant sa pinagtatalunang karagatan.

Gayundin ang pagpapalakas pa ng rules-based order at pagsusulong ng arbitral award sa pamamagitan ng diplomasiya.

Ipagpapatuloy rin aniya ng Pilipinas ang pakikipagdayalogo at konsultasyon sa China sa gitna ng mga tensiyon na matinding nakaapekto sa bilateral relationship ng dalawang bansa.