-- Advertisements --

Inihayag ng Palasyo Malacañang na bukas ang pamahalaan sa paggamit ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) upang makatulong sa pagtunton at pag-aresto sa nagbitiw na si dating Ako-Bicol Party-list Representative Elizaldy Co.

Ito ay bukod pa sa paghingi ng Red Notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang UNCAC ay may mekanismo para sa international cooperation at mutual legal assistance, ngunit nilinaw na wala pang pormal na koordinasyon ang Department of Justice kaugnay nito.

Aniya, ipinasa na ng DILG ang naturang usapin sa Commission on Transnational Crime, at ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, kabilang ito sa mga opsyong pinag-aaralan.

Matatandaan, noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may warrant of arrest laban kay Co at 15 iba pa kaugnay ng P289.5-milyong substandard flood control project sa Oriental Mindoro.

Nakaladkad din ang kaniyang pangalan sa umano’y P35-bilyong budget insertions sa mga flood control project sa Bulacan.

Sa ngayon, pinaniniwalaang nasa Portugal si Co at iniulat na may hawak na Portuguese passport at “golden visa,” na posibleng dahilan kayat malaya siyang nakakagalaw sa Europa.