Inanunsiyo ng Malacañang Palace ngayong Sabado, Pebrero 7, na bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang inter-agency body na kakatawan sa Pilipinas sa Green Expo 2027.
Sa bisa ng Administrative Order 41, itinalaga ang Department of Agriculture bilang chairperson habang ang Department of Tourism naman ang magsisilbing vice chairperson ng Philippine Organizing Committee (POC).
Itinalaga naman bilang committee members ang mga head ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), National Commission for Culture and the Arts at Center for International Trade Expositions and Missions.
Naatasan ang Committee chairperson na mag-convene ng regular meetings para matiyak ang maayos na koordinasyon sa mga ahensiya para sa matagumpay na pakikilahok ng bansa sa naturang Expo.
Magsisilbi rin bilang focal person ng Pilipinas ang Committee Chairperson sa Green Expo 2027 at dadalo sa lahat ng mga aktibidad na kakailanganin ng organizers.
Ang Green Expo 2027 ay idaraos sa Yokohama, Japan mula Marso hanggang Setyembre sa susunod na taon na may temang “Scenery of the Future for Happiness.”
Ang naturang event ay nagbibigay ng platform sa mga kalahok na bansa para itampok ang biodiversity, sustainable agricultural practices, mga inobasyon sa high-value crops at agri-fishery products, green technologists, eco-tourism initiatives at cultural heritage.
















