-- Advertisements --

Itinuturing na prisoners of war ang isang Pilipinong nakikipaglaban umano para sa Russia matapos mahuli ng Ukraine forces.

Kinilala ang Pilipino bilang si Raymon Santos Gumangan, matapos lumabas ang kanyang video noong Disyembre 8 sa Facebook page na “I Want to Live,” isang proyekto ng pamahalaan ng Ukraine.

Ayon sa post, si Gumangan ay isang umano’y mercenary na na-recruit ng Russia kapalit ng mataas na sahod.

Sa video, sinabi ni Gumangan na siya ay hinire bilang logistics personnel, ngunit kalaunan ay naitalaga bilang armado matapos pumirma ng kontrata noong 2024 sa Ministry of Defense ng Russian Federation, bilang miyembro ng 51st Parachute Regiment.

Noong Setyembre 2024, sinasabing nasangkot siya sa mga opensiba sa Sumy region ng Ukraine, kung saan siya ay nabihag.

Kinumpirma ng kanyang pamilya na nakatanggap sila ng abiso mula sa International Committee of the Red Cross (ICRC). Ayon sa kanyang kapatid, halos hindi na nila makilala si Gumangan dahil sa labis na pagbagsak ng kanyang timbang.

Sinabi ng pamilya na dati siyang nagtrabaho sa isang security agency sa Pilipinas at nag-apply online para sa trabaho. Ayon sa kanyang anak, isang dayuhan ang tumulong sa kanya upang makapasok sa Russia.

Samantala, sinabi ng Department of Migrant Workers na hindi nakatala si Gumangan sa kanilang database, gayundin sa OWWA. Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs upang matukoy kung paano siya nakalabas ng bansa at kung paano siya maaaring maiuwi sa Pilipinas.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng Ukraine na isang Pilipinong mercenary ang napatay sa sagupaan ng Russia at Ukraine.