-- Advertisements --

Sinabi ni Senate President Vicente ”Tito” Sotto III nitong Biyernes na walang plano ang Senate majority na ibigay ang pagka-Senate President kay Senator Loren Legarda upang maiwasan ang umano’y “coup,” dahil wala umanong sapat na bilang ng boto para mapatalsik ang kasalukuyang liderato ng Senado.

Ayon kay Sotto, kahit sa simula pa lamang ay malinaw na wala umanong numerong kakayanin para palitan ang pamunuan ng Senado.

“That’s inaccurate. As a matter of fact, false. Because as early as the roll call, alam na namin na walang motion or walang numero to unseat the leadership,” ani Sotto.

Ipinaliwanag din niya na para mapatalsik ang isang Senate President, kinakailangan ng 13 boto na may nakasulat na commitment, at hindi sapat ang verbal lamang.

“To unseat the leader, you must have 13 votes. The 13 votes, you must have it in writing. In fact, hindi pwedeng commitment na salita lang,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Sotto na mapanganib ang pangako sa pagbabago ng liderato kung walang malinaw at dokumentong nakasuporta.

“That is a very dangerous move. Mapapahiya ka,” ani Sotto, habang ipinaliwanag ang karaniwang proseso sa Senado kung saan ang mosyon na ideklarang bakante ang mga posisyon ay ginagawa lamang kung sigurado na ang mayoryang boto. Aniya, hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng Senado na basta na lamang nagmomotion sa plenaryo nang walang “black and white” na kasunduan.

Ayon pa kay Sotto, kapag nakita ng isang incumbent na may sapat nang written commitments para palitan siya, kusa na umano itong bumababa sa puwesto.

Nilinaw rin niya na hiwalay sa opisyal na sesyon ang mga biruan sa Senate lounge, kabilang ang pahayag ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri na ginawa umano sa biro ang tungkol sa posibleng pag-upo ni Legarda bilang Senate President sa pagtatapos ng 20th Congress.

“So, it doesn’t matter kung yung biruan namin sa loob ng lounge… wala nang kinalaman yun sa session itself,” paliwanag ni Sotto.

Naniniwala rin ang Senador na may dalawang dahilan kung bakit may mga nagtangkang patalsikin siya: una umano ang usapin sa committee chairmanships, partikular matapos tanggalin si Senator Imee Marcos bilang chair ng Senate Foreign Relations Committee at ikalawa, ang draft Blue Ribbon Committee report kaugnay ng flood control scandal na nagrekomenda ng mga kasong administratibo laban sa tatlong senador mula sa minorya.

Inihayag din ni Sotto na hindi na bago ang ang ideya na gustong itaas si Sen. Legarda bilang Senate President kung saan ginawa na umano ito sa simula pa lamang ng 20th Congress.

“Oo. Noong araw, napag-usapan namin ‘yun… Noong 20th Congress, pag-upo pa lang,” ani Sotto.

Sa kabila nito, sinabi ni Sotto na wala siyang sama ng loob sa mga kasamahan niyang nais siyang palitan at handa pa siyang makipagtulungan sa minorya.

“Hindi kailangan maging majority-minority… puwede kaming magsama-sama for the same advocacies,” aniya.

Iginiit din ni Sotto na pantay-pantay ang trato niya sa lahat ng senador, mayorya man o minorya.

“Kasi ang majority magsasabi ka agad sa akin kung ano ang ayaw nila, ano ang gusto nila… Pero pantay-pantay, definitely,” ani Sotto.

Aminado rin siya na palaging may mga pagkakataon na palitan ang liderato sa Senado. Nauna na niyang kinumpirma ang plano na gawing unang babaeng Senate President si Legarda bago matapos ang 20th Congress sa loob ng tatlong taon, ngunit nilinaw niyang walang term-sharing agreement sa pagitan nila.