Posibleng ibigay sa iba pang vice chairmen ng Senate Finance Committee ang mga ahensiyang kasalukuyang nakatalaga kay Senator Loren Legarda kung hindi siya makadalo sa mga pagdinig para sa panukalang 2027 national budget.
Ayon kay committee on finance chairperson Senator JV Ejercito, nananatili pa rin si Legarda sa kanyang posisyon at naipabatid na rin sa kanya ang mga ahensiyang kanyang hahawakan, kabilang ang mga may kinalaman sa kultura, kasaysayan, at kalikasan.
Sinabi ni Ejercito na makikipag-ugnayan muna sila kay Legarda hinggil sa kanyang kapasidad na makadalo sa mga susunod na pagdinig.
Matatandaang unang nag-file ng medical leave ang Senador noong Agosto 3, na kalaunan ay pina-extend ito.
Samantala, iginiit ni Ejercito na kung hindi pa rin siya makakabalik, maaari nilang ibigay sa iba pang vice chairmen ang mga ahensiyang nakatalaga kay Legarda.















