-- Advertisements --

Pinagduduhan ng Office of the Ombudsman ang paalam ni Senador Loren Legarda sa kanyang pag-alis ng Pilipinas at patuloy na pananatili sa ibang bansa. 

Sa pahayag ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, hindi maiwasan ng tanodbayan na magkaroon ng spekulasyon patungkol sa pagbyahe ng mambabatas. 

Aniya’y kung talagang mayroon seryosong sakit si Senador Legarda, isang beses lamang ito hihiling ng ‘medical leave’ at hindi na paulit-ulit pang hihingi ng ‘extension’. 

Ayon sa opisyal, ito ang rason kung bakit kailangan nilang ‘i-flag’ o bigyan atensyon ang aksyon ginawa ng senadora sapagkat kasabay nito ay wala din sa bansa ang kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste. 

Nahaharap sa reklamong plunder, graft at conflict of interest sa Ombudsman ang mag-inang sina Senador Legarda at Rep. Leviste. 

Kaugnay ito sa Solar Firm o kompanya ng mambabatas na bigo umanong tuparin ang pangako’t responsibilidad na solar energy para sa bansa. 

Ayon kay Ombudsman Spokesperson Clavano, ang mga kasong nabanggit ay nakakaapekto sa buhay ng taumbayan lalo na’t may pagtaas sa presyo ng kuryente. 

Dahil dito’y apela ng Ombudsman sa mag-inang mambabatas na sagutin ang mga katanungan at bigyan linaw ang patungkol sa naturang kaso. 

Hiling ni Assistant Ombudsman Clavano sa mga ganitong isyu na manatili muna sila sa bansa at iginiit na dapat iwasan ang pag-alis o pagbyahe palabas ng Pilipinas.