-- Advertisements --

Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon inihain nina Atty. Ferdinand Topacio at iba pa na kumukwestyon sa legalidad ng pagbuo sa I.C.I. o Independent Commission for Infrastructure.

Ito’y alinsunod sa naganap na sesyon ng Supreme Court En Banc ngayong araw, ika-4 ng Pebrero 2026.

Batay kasi sa resolusyon isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, ang pagkakabasura sa naturang petisyon ay buhat nang bigong maabot o maipakita rito ang ‘basic requirements’ para sa ‘judicial review’.

Nakapaloob sa petisyon ang paniniwala ng mga petisyuner na ang Executive Order No. (EO) 94, Series of 2025 nagbuo sa komisyon ay nilabag ang pantay na kapangyarihan ng Kongreso at inalis umano ang tungkulin itinalaga sa Office of the Ombudsman at Commission on Audit.

Kung maalala, binuo ang I.C.I. upang magsilbi bilang ‘independent fact-finding body’ para mag-imbestiga ukol sa maanomalyang mga proyektong flood control ng pamahalaan.

Paliwanag naman ng Korte Suprema na natukoy na mali ang paraan sa paghahain ng petisyon sapagkat direkta itong isinampa sa tanggapan ng Kataas-taasang Hukuman sa kabila nang may sinusunod o kinikilala namang mas mababang korte.

Natuklasan rin na ang mga naghain ng petisyon ay walang maipakitang patunay kung may katotohanan ang kontrobersiya’t naapektuhan ang kanilang karapatan.