Naniniwala si Baguio City Rep. Mauricio Domogan na hindi maaaring gamitin sa local court at impeachment court ang mga akusasyon ni dating House Appropriations Committe Chair Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Maaalalang sa magkakasunod na video message na inilabas ng kampo ni Zaldy Co noong huling quarter ng 2025 ay inaakusahan niya si Pangulong Marcos at si dating House Speaker Martin Romualdez bilang pangunahing mastermind sa pag-divert ng mga pondo para sa ilang public infrastructure project upang makakuha ng malaking kickback.
Ayon kay Domogan, na nagsisilbi bilang vice chair ng House Committee on Justice, walang bigat ang mga naturang alegasyon at hindi rin ito maaaring ipresenta sa isang regular court o sa isang impeachment court.
Bagaman ginamit ito bilang isa sa mga batayan upang patunayan na si Pangulong Marcos ay gumawa ng impeachable offence na ‘betrayal of public trust’, wala aniyang maipakitang ebidensiya na totoo itong nangyari dahil walang maipresentang katibayan si Zaldy Co.
Giit ng batikang abogado, kailangan munang magkaroon ng written affidavit sa testimoniya (confession) ni Co at dumaan sa authentication, kasama ang panunumpa rito, upang magamit bilang ebidensiya.
Hindi rin dapat isantabi aniya na si Co ay isang nagtatagong pugante, na lalong mas nagdadagdag sa kwestyon ukol sa kaniyang kredibilidad.
Nanindigan din si Rep. Domogan na bagaman nabanggit sa testimoniya ni dating Department of Public Works and Highways Usec. Roberto Bernardo na may ilang opisyal mula sa Office of the President na nakatanggap umano ng kickback sa public infrastructure project, hindi pa rin nito pinapatunayan na may direktang kaugnayan si Pangulong Marcos.
Ipinunto ng mambabatas ang kawalan ng sapat na ebidensiya na nagkokonekta at tumutukoy sa tunay na papel ng pangulo, kung totoong mayroon man.
Ito ang dahilan aniya kung kaya’t tuluyang ibinasura rin ng komite ang naturang ground na isa sa mga nilalaman ng Maza et.al impeachment complaint laban sa pangulo.
















