-- Advertisements --

Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mahahalagang ambag at sakripisyo ng mga educator habang pinangunahan ang panunumpa ng mga bagong promoted na guro at punong-guro ng DepEd National Capital Region sa seremonya ng “RISE in Service” sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP).

Binigyang-diin ng Pangulo ang mabigat na responsibilidad ng mga guro, mula sa pagtuturo at paghahanda ng leksyon hanggang sa paggabay sa mga estudyante at boluntaryong serbisyo sa komunidad. 

Iginiit ng Pangulo na ang edukasyon ay pangunahing susi sa pag-unlad ng bansa at tiniyak ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga guro. 

Kabilang dito ang PhP1.34 trilyon para sa sektor, 2025 Service Recognition Incentive, PhP10,000 teaching allowance sa School Year 2025–2026, at PhP7,000 medical allowance.

Binigyang-diin din niya ang pagbubukas ng karagdagang posisyon, reclassification sa ECP, at promosyon base sa merito upang masiguro na walang guro sa pampublikong paaralan ang magreretiro bilang Teacher I. 

Ipinunto ng Pangulo na ang promosyon ay magiging daan tungo sa mas maayos na buhay hindi lamang para sa kanila kundi para sa kanilang pamilya.